Ang Ahas sa Bahay ni Tiyo Berteng

Author’s Note: Nakapost na po ito sa isa ko pang blog-www.kwentonimanangjane.blogspot.com at wordpress214@wordpress.com. Ni-repost ko lang po ito dito sa bago kong blog.

Keep reading guys!

—–oOo0—–

May mga bagay na sadyang inilihim upang hindi makasakit ng damdamin. May mga lihim na bagay na kailanman hindi mananatiling nakatago. Pagdating ng panahon, sa di inaasahang pagkakataon ay mabubunyag ang lihim na siyang maging dahilan ng pagwasak ng isang daigdig.

 

Bakasyon na naman.

Walang ibang ninais ang isang batang katulad ko kundi ang mamahinga sa pag-aaral at magpunta sa napakagandang lugar. Napili ng mga magulang kong pumunta sa probinsya, sa bahay nina tiyo Berteng at Tiya Mercedes.

Minsan na akong nagpunta doon. Gusto ko doon. Malamig at presko ang simoy ng hangin dahil ang bahay nila’y malapit sa bukirin at napapalibutan ng mga iba’t-ibang klase ng puno.

Gusto ko doon dahil tahimik.

Hapon na ng dumating kami. Sinalubong kami ni tiyo ng halik at yakap. Siya ang nakababatang kapatid ng aking ina. Sa tantiya ko ay nasa kwarenta’y tres lamang siya at mas bata sa kanya ng mahigit limang taon ang kanyang asawa.

Wala silang anak. Marahil isa sa kanila ay may deperensya. Hindi ko lama. Hindi naman sila makwento. Kung nagkwento man sila siguro’y sa ibang tao hindi sa katulad kong bata pa sa kanilang paningin.

Malaki ang inihulog ng katawan ng aking tiyo. Namamayat siya. Ang mga mata niya’y tila malungkot. Ano kaya ang problema?

Kinagabihan ay naghanda si Tiya Mercedes ng alimango at sugpo. May preskong bangus at inihaw na tilapia rin. Kuha ito sa maliit nila na “fishpond”. Magana ang kain naming lahat maliban lamang kay tiyo Berteng. Tila matamlay siya. May sakit kaya siya?

Wala sana.

Maya-maya’y may dumating na bisita. Pinakilala siya sa amin ni tiya Mercedes. Domeng ang pangalan nito. Kakaiba at naging magiliw si tiya sa kanya. Sa pagkakaalam ko kumpare ito ni tiyo at matalik na kaibigan ni mag-asawa.

Hindi ko na pinansin pa iyon. Pagkatapos kumain ay umakyat na ako sa aking silid at nagpalit ng damit. Hindi agad ako nakatulog marahil ay naninibago pa ako sa lugar.  Bumaba na lamang ako upang kumuha ng tubig.

Hindi pa ako nakarating sa kusina ay may narinig akong nag-uusap. Tinig iyon ng aking ina.

“Nasisiguro akong may ahas sa bahay mo Berteng” iyon ang narinig ko.

Ahas?

Iyong nakakamandag na nilalang?

Gumapang ang kilabot sa aking katawan. Marami nga namang ahas dito sa bukid nguit paano kung matuklaw ako o ang mga kasamahan ko dito sa bahay o ibang tao?

Kailangan naming mag-ingat.

Nang maramdaman nila inay na ako ay nandoon sa paanan ng hagdan ay pinutol na nila ang usapan. Hindi na ako nagtaning tungkol sa ahas na sinabi nila. Hindi ako nakatulog ng gabing iyon. Nag-uumaga na’y nanatili pa rin akong gising. Natatakot akong pumikit baka gumapang ang ahas patungo sa hinihigaan ko.

Natatakot ako.

Napakaaga pa at tulog pa ang mga tao sa bahay ng lumabas ako. Gusto kong makita ang pagsikat ng araw. Doon ako umupo sa lantay na yari sa kawayan at nagmamasid ako sa paligid.

Maya-maya’y may narinig akong hikbi mula sa kubo ni Tiyo berteng. Pinuntahan ko iyon upang alamin kung sino yaong umiiyak. At doon nakita ko si tiyo. Panay ang pahid sa kanyang mga luha. Nag-iisa lamang siya doon. Marahil napili niyang manatili doon upang maitago niya ang minsang pagdaloy ng kanyang mga luha.

Bakit kaya siya umiiyak?

Nakakubli ako sa may bintana ng mumunti niyang kubo at pinagmasdan ko siya. Mukha malaki ang kanyang problema. Minsan ay nakita ko siyang nakatanaw sa kawala at minsang paghikbi niya’y tila isang napakalungkot na musika.

Gusto kong lumapit sa kanya at tatanungin kung ano ang kanyang pinagdadaanan ngunit natatakot ako. Natatakot akong malaman kung ano nga ba ang dahilan kung bakit siya nalulungkot.

Iniwan ko siya doon. Gusto kong puntahan si Inay. Sa kanya ko na lamang itatanong.

Nasa kusina si Inay. Gising na rin pala ito. Naghahanda ito ng almusal para sa aming lahat. Sa lahat ng taong naririto sa bahay alam kong ang inay ko ang may alam ng lahat.

“May itatanong ako sa’yo , nay”

“Ano iyon?”

“Nakita ko po kasi si Tiyo Berteng na umiiyak. Ano po ba ang problema niya?”

Napabuntong-hininga ang aking ina.

“Bata ka pa at kung sasabihin ko sa’yo ang totoo baka hindi mo maintindihan. Maguguluhan ka lang, anak.”

“nais ko pong malaman”

Lumapit sa akin ang aking ina at hinahaplos ang hibla ng aking buhok.

“Sa takdang panahon.”

Iyon lang at bumalik na ito sa pagluluto. Ano bang lihim na mayroon dito sa bahay? Minsa’y nahihiwagaan ako. Kagabi ay ang tungkol sa ahas at ngayon naman ay ang problema ng aking tiyo. Nag-aalala ako sa kanya higit pa sa mga taong narito sa bahay.

Matapos mag-almusal ay sumama ako kina tiyo at itay sa bukid. Mangunguha kami ng prutas at mangangaso ng ligaw na manok sa gubat.

Kapansin-pansin ang katahimikan ni tiyo berteng. Maya’t-maya itong napabuntong-hininga.

“Iniisip mo pa rin ba iyon?” tanong ng aking ama sa kanya.

May alam din si itay. Lahat ata sila may alam. Bakit ako hindi ko dapat malaman?

“Ayaw ko lang tanggapin ang katotohanan.”

“Hindi mo matanggap na minsan mo na palang pinakain at inalagaan ang ahas na tutuklaw sa’yo.”

Ahas?

Inalagaan?

Tuklaw?

Maraming tanong ang bumabagabag sa akin. May ahas na inaalagaan si Tiyo Berteng at tinuklaw siya nito? Kaya ba ito umiiyak dahil natuklaw ito ng ahas?

Bumuntong-hininga uli ang tiyo ko.

“Siguro’y iyon na nga ang dahilan.”

“’Wag mo nang iisipin iyon, Berteng. Makakasama iyan sa’yo”

Hindi na muli sila nagkwento pa tungkol sa ahas.

Nakarating kami sa bahay mga dapit-hapon na. Papalubog na ang araw niyon. Sinalubong kami ni Inay.

“Berteng, umalis na ang ahas sa bahay mo! Para sa ikabubuti mo rin iyon.”

Salamat naman at umalis na ang ahas. Usal ko sa sarili.

Ngunit imbis na masiyahan ay humihikbi si tiyo. Nakita ko kung paano siya nanghina at labis-labis na paghihinagpis ang aking nakikita sa kanya.

Bakit ganito ang kanyang reaksyon?

“Pumasok ka muna doon, Tonyo! Usapang matatanda ito.” Pinapasok ako ni inay sa bahay. Ayaw ko muna. Gusto kong mag-usisa pero gustuhin ko man ay hindi pwede.

Kasalanan man ang sumuway sa magulang ay hindi muna ako pumasok. Doon ako nagkubli sa may bintana ng bahay at nakikinig sa usapan nila.

“Hindi ko akalaing magagwa niya sa akin iyon. Sobra ko siyang minahal. Malaki ang respeto ko sa kanilang dalawa ngunit bakit nila iyon nagawa sa akin?!” Nasa lantay sila inay, itay, at tiyo berteng. Umiiyak pa rin ito at si Inay ay panay ang hagod sa kanyang likod.

“Katulad sila ng ahas na minsan mong inalagaan at sa bandang huli tituklaw ka patalikod.” Usal ng aking ina.

“Pabayaan mo na sila Mercedes. Bahala na ang Panginoon na magbigay ng parusa sa kanila” Si itay.

Ngayon ko lang napansin. Wala si tiya Mercedes. Mukhang nahuhulaan at napagtagpi-tagpi ko na ang pangyayari.

“Mga ahas sila! Mga traydor! Gusto kong isumbat sa kanila ang kataksilang ginawa nila. Nirespeto ko si Domeng. Itinuring na isang kamag-anak ngunit ganito ang ginawa niya. Inakit niya ang asawa ko!”

Parang bombang sumabog iyon sa tenga ko. Si Mang Domeng at Tiya Mercedes ay may relasyon. Silang dalawa ang ibig sabihin nila inay na ahas.

“Uminahon ka Berteng. Pasasaan ba’t maaayos din ito.”

Binuhos ni tiyo ang kanyang mga luha. Marahil kailangan niya iyong mailabas para sa ikakapanatag ng kanyang kalooban. Bata man ako’y alam na alam ko na ang nangyayari. Nahihinuha ko na ang lahat. Napagtagi-tagpi ko na ang kwento.

Ang ahas ay hindi isang ordinaryong ahas na gumagapang sa lupa at nanunuklaw. Ang ibig nitong sabihin ay ang mga taong katulad din ay ahas na traydor at nanunuklaw at nakapanakit ng damdamin.

Dumaan ang mga araw na namalagi kami doon ay hindi pa rin bumabalik sa dating masiyahing si Tiyo Berteng.Palagi ko na lang siyang nakikitaan ng pamumugto ng mata. Minsa’y marinig ko siyang humikbi. Hindi pa rin matanggap ang lahat. Mahirap para sa kanyang tanggapin ang lahat.

Umaga niyon ay nagising ako ng mga kumusyon sa ibaba ng bahay. Nasa itaas ang kwarto ko katabi ng kwarto nila inay.

Dali-dali akong pumanaog at nadatnan ko si inay na umiiyak. Sinasambit niyon ang pangalan ng aking tiyo. Kinakabahan ako.

Si itay umiiyak din.

Ano bang nangyayari sa tiyo ko? Pumasok sila sa loob ng kwarto ni tiyo. Ako naman ay dahan-dahan pumanaog. Bawat hakbang ko ay napakabigat at lalong tumitindi ang kaba sa aking dibdib.

Nasa may dahon na ako ng pinto. Inalis ko ang nakatakip na kurtina sa kwarto ni tiyo upang malaman ko ang nangyari doon. Tila napako ako sa kinatatayuan dahil sa aking nakita.

Si Tiyo Berteng nakasabit ang leeg gamit ang abakang lubid. Lutaytay at wala ng buhay.

Hindi pumasok sa isip ko na mangyayari ito. Bakit nagawa ni Tiyo Berteng na kitilin ang sariling buhay? Bakit ganito ang kinahahangtungan ng lahat. Halos maubos na ang luha ko sa mga mata.

Napakahina niya. Kulang ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Nagpadala siya sa mga nangyayari sa kanyang buhay. Hinahayaan niyang lukubin ang kanyang pagkatao ng kanyang emosyon.

Dahil sa ginawa niya ay nabigyang laya ang ahas na gumapang sa daigdig nila.

Napakahina mo tiyo! Usal ko.

Wala na kaming magagawa. Hindi na namin maibabalik pa ang  buhay ng aking tiyo. Dalangin ko na lang na ang Diyos na mahabagin na ang bahalang magbigay ng parusa sa kung sino man ang may sala. Kasalan mang kitilin ang sariling buhay ngunit nanalangin pa rin ako na sana’y patawarin siya sa kanyang nagawa.

“Panginoon, patawarin mo po sila dahil hindi nila alam ang kanilang ginagawa “

 

The END!!!!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s