Clemente

Malimit ko siyang kinakitaan ng kasiyahan at kapanatagan ng loob. Kahit hindi ko siya kaibigan ay kilala ko siya. Kaya’t nagulat na lamang ako sa kinasasadlakan niya. Hindi ko mawaring andito siya ngayon sa mundong hindi siya nababagay. Sa mundong siyang naging tirahan ng isang tulad kong halang ang kaluluwa.  Hindi siya nababagay dito sa madilim at malamig na kwartong napapalibutan ng bakal na rehas.

Minsan ay nakakausap ko siya ngunit sa lahat ng oras ay tahimik lamang siya. Ng gabing nagising ako ay nakita ko siya. Nakaupo sa isang sulok ng kwartong iyon. Nakayuko at humihikbi.

Gusto kong lapitan siya. Tanungin kung ano ang katotohan kung bakit siya narito sa lugar na ito. Ngunit hindi ko magawa. Siguro’y kailangan niya munang mapag-isa.

Marami pang araw at makakausap ko rin siya.

Nang umagang kumain kami ng almusal ay tumabi siya sa akin. Nakita ko ang pamamaga ng kanyang mga mata. Ang totoo’y nakasanayan ko na dahil halos gabi-gabi siyang umiiyak.

“Maari bang tumabi sa’yo?” Tanong niya.

Tumango lang ako tanda ng aking pagpayag.

“Pagpasensyahan mo na. Alam kong nadidistorbo kita. Pasensya na.” Ulit niyang sabi sa akin. Lumingon ako sa kanya at siya naman ay nagpatuloy sa pagsubo ng pagkain.

“Kung hindi mo mamasamain, ano bang kasalanan mo?”

“Wala.Wala akong kasalanan.” Iyon lang at hindi na siya nagsalita pa. Hindi na rin ako nag-usisa.

 

Isang gabi niyon ay muli ko siyang nakitang umiiyak. Marahil napansin niyang gising ako. Pinahid niya ang kanyang mga luha.

“Pasensya ulit.”

Tumango lang ako. Babalik na sana ako sa aking pagtulog ng magsalita siya.

“Sasabihin ko sa iyo ang totoo.” Kung kaya’t tumayo ako at umupo sa tabi niya. Ang kanyang matamlay na mga mata ay nakatingin sa malayo. Habang nagkukwento siya ako naman ay taimtim na nakikinig.

-0-

Sa patay sinding ilaw doon nagsimula ang lahat. Katatapos lamang niyon ng konstraksyon ng building na tinatrabahuhan niya kung kaya’t ang mga kasamahan niya sa trabaho ay nagyayang mag-inuman. Doon sila napadpad sa isang karaoke bar na may patay-sinding ilaw. Maraming tao at nakakabingi ang tugtog ng musika. Ang usok na nanggagaling sa usok ng sigarilyo’y nagdadala ng sakit sa ilong niya.

Inaamin niya na siya’y hindi isang mabisyong tao. Hindi niya nakahiligang makisama sa mga barkada. Magwaldas ng pera. Makipag-inuman. Ang isang katulad niya’y taong bahay lamang.

Kung kaya’t naninibago siya.

Nakalapag sa harap niya ang iba’t-ibang klase ng inuming nakalalasing. May mga pulutang sisig at chicharong bulaklak.

“O, ano Clemente, gusto mo ng chicks?” Tanong ng kasamahan niyang si Jepoy.

Hindi siya sumagot sa halip ay ngumiti lamang siya.

“Alam ko ang ngiting ‘yan. Sige kunan mo ng babae itong si Clemente para lumabas naman ang pagiging lalaki nito.”

Ilang sandali lamang ay may lumapit ng mga babae. Lahat sila ay magaganda at may balingkinitang katawan. Ang suot nilang damit ay napakaiksi. Kung kaya’t napaisip siya, hindi ba sila nilalamig?

Isang babae ang tumabi sa kanya.

“Ano ang pangalan mo?”

Tumingin siya sa mga mata nito. Hindi katulad  ng mga kasamahan nitong babae, ang dalagang nasa tabi niya ay nakakitaan niya ng pagkainosente.

“Clemente” Matipid niyang sagot.

“Ako nga pala si Delilah” Inilahad nito ang palad kung kaya’y tinanggap niya.

“Ano bang gusto mo ngayong gabi?” Tanong nang babae na nagsimula ng naging malikot ang kamay na dahan-dahan hinahaplos ang paa niya.

“Gusto ko lang may kausap. Hindi dito kundi sa ibang lugar.”

Nagliwanag ang mata ng babae. Kung ano man ang iniisip nitong lugar na pwede nilang puntahan ay nagkakamali ito. Dinala siya ni Clemente sa isang burol na matatanaw ang buong Kamaynilaan. Ang lugar na iyon ay paboritong puntahan niya. Malimit siyang nandoon.

Masarap ang hangin at halos abot mo na ang mga bituin.

“Bakit dito mo ako dinala?” Nagtatakang tanong ng dalaga.

“Gusto ko dito. Tahimik.”

“Ay naku iba ka ha. Alam ko iyang iniisip mo…” Mapanuksong sabi ni Delilah.

“Nasisiguro kung hindi tayo pareha ng iniisip. Ikaw pa lamang ang unang taong dinala ko dito. Ito ang paboritong lugar ko. Lahat ng nangyayari sa buhay ko saksi ang burol na ito”

“Bakit ako?”

“Bakit hindi ikaw? Alam kong hindi mo ginust ang buhay mo ngayon.”

Natahimik bigla si Delilah. Yumuko ito ni ayaw makita na ang mga mata niya ay nagsisimula ng mamuo ang butil ng luha.

“Tama ka. Dahil sa kahirapan kaya ako pumasok sa ganitong trabaho. Kapit sa patalim kamo para lamang mabuhay ko ang aking pamilya.”

“Nauunawaan kita.”

Nang mga oras ding iyon nagsimula ang lahat. Naging matalik na magkaibigan ang dalawa hanggang sa hindi sinasadyang kapwa nila naramdaman ang pag-ibig sa isa’t-isa. Pinigilan ni Clemente ang dalaga na bumalik sa trabaho nito.

Nagsimula itong makipagsapalaran sa ibang larangan ng buhay. Isang hanap-buhay na hindi katawan nito ang puhunan. Isang magandang buhay iyon para sa dalaga at para na rin sa kanyang pamilya.

Isang gabi niyon ng silang dalawa ay magkahawak-kamay na naglalakad sa park. Nakikinita sa mga mata nila ang labis na kasiyahan. Sa araw na iyon ay ang planong pag-alok ni Clemente ng kasal para sa dalaga.

Nasisiguro niyang si Delilah ang babaeng itinakda ng Diyos para makasama niya habang-buhay. Wala na siyang mahihiling pa. Kuntento na siya sa buhay niya ngayon. Masaya na siya sa piling ng babaeng kanyang iniibig.

Habang sila’y naglalakad ay bigla na lamang may humarang sa kanilang tatlong lalaking kapwa nakasuot ng itim na jacket. Hindi makikita ang imahe nito dahil tinabunan iyon ng itim na bonnet.

Bigla niyong hinablot si Delilah at sinunggaban ang walang kamalay-malay na si Clemente.

“Sino kayo? Anong kailangan n’yo sa amin? Kung pera man ay wala kayong makukuha. Mahirap lamang kami.”

Ngunit imbis na sumagot ay hindi nagsalita ang mga lalaki. Sa halip ay sinuntok pa siya ng mga ito. Ang iyak ni Delilah ang nagbibigay kirot sa kanyang puso. Ayaw niyang marinig ang iyak nito. Kung maari ay ayaw niya itong masaktan.

Pinilit niyang bumangon para lumaban ngunit wala na siyang lakas para gawin iyon. Bago nagdilim ang kanyang paningin ay nakita pa niya kung paano nilapastangan ng tatlong lalaki ang kanyang kasintahan at paano nila ito kinitilan ng buhay.

Isang mapait na tagpo ang kanyang nasaksihan ng mga oras na iyon.

Nagising na lamang siya sa sirena ng pulis at ambulansya. Nagising siyang duguan ang kanyang mga kamay at hawak niya ang patalim na ginamit sa pagpatay sa kanyang kasintahan.

“Asan si Delilah? Anong nangyari sa mahal  ko?”  Para siyang baliw na nagsisigaw at hinahanap ang nobya.

Gayon na lamang ang kanyang pagkagulat ng makita ng isang bangkay na natabuna ng putting tela na binuhat ng mga awtoridad.

Kumalas siya sa pagkakahawak sa mga pulis sa kanya. Lumapit siya sa bangkay na iyon. Ang kamay niya ay nanlamig pati ang buong katawan niya ay ayaw matanggap ang kanyang nakita.

Isa ng bangkay ang pinakamamahal niya. Wala itong saplot sa katawan. Naliligo ito sa sariling dugo. Marami itong tama ng saksak.

Binaboy nila si Delilah. Binaboy ng mga demonyong lalaki. Kahit anong gawin niya ay wala na siyang magagawa pa. Gusto niyang gumanti at humanap ng hustisya para kay Delilah ngunit bumaliktad ang pangyayari.

Siya ang hinuli ng mga pulis. Ang malamig niyang kamay ay nakapusas na. Hindi niya magawang punasan ang luhang umaagos sa mga mata niya. Halos mamatay siya sa sakit na nararamdaman. Kulang ang sakit ng katawan. Kulang ang mga galos at saksak na natamo niya sa sakit ng puso niya.

Ayaw gumana ng kanyang utak. Sana’y siya na lamang ang nawala. Sana’y siya na lamang ang sinaktan. Naawa siya sa sinapit ng kasintahan. Minsan lang siyang umibig. Minsan lang siyang anging maligaya. Ngunit pinagkaitan siya ng panahon.

May panghihinayang siyang nararamdaman. Bakit ganito ka unfair ang mundo. Silang mga halang ang kaluluwa ay malayang nagpapakasaya samantalang siya ay andito, nagluluksa at pinagbabayaran ang kasalang hindi naman niya ginawa.

 

Natapos ang kwento niya. Nakita ko ulit ang butil ng luha sa kanyang mga mata. Pinunasan niya iyon.

“wala akong kasalanan. Bakit nila ako pinababayad sa kasalanang hindi ko naman ginawa. Isa lamang akong biktima.”

Wala akong mahagilap na salita na pwedeng sabihin sa kanya. Marahil ayaw kung madagdagan ang bigat ng kalooban niya.

“Hindi ko nagawang mabigyan ng hustisya si Delilah. Ni hindi ko nagawang dumalaw sa lamay niya. Hindi ko siya nakita sa huling sandali. Ni hindi ko nadalaw ang libing niya. Paano ko iyon gagawin? Andito ako sa bakal na rehas at gustuhin ko mang umalis ay wala ng pag-asa.”

Nahahabag ako sa kanya. Ako na matigas ang kalooban at walang damdamin noon ay nahahabag sa kanya. matigas man akong tao may malambot naman akong puso. Naawa ako sa kanya.

“may hangganan ang lahat. Hindi man sila nakapagbayad ng kasalan nila dito sa lupa. Sa kabilang buhay naman ay nasusunog na ang kaluluwa nila sa empyerno. Maawain ang Diyos. Nakikita ka niya.”

Tumawa siya ngunit pagak.

“Noong una’y naniniwala ako sa Diyos. Naniniwala akong maawain siya. Naniniwala akong hindi niya ako iiwan ngunit simula ng mangyari iyon nag-iba na ang pananaw ko sa kanya. Iniwan niya ako. Iniwan niya kami. Pinabayaan niyang mamatay si Delilah. Pinabayaan niya ako sa ganitong sitwasyon. Walang Diyos.”

Nalunok ko ang sarili kong laway. Natatakot ako para sa kanya. Naging malaki talaga ang epekto ng pangyayari sa kanya. pati Diyos ay hindi na niya pinaniniwalaan.

“May Diyos Clemente. Minsan talaga may mga bagay na hindi naaayon sa kagustuhan ng tao. Pero maniwala ka..may Diyos. Lahat ng bagay ay may dahilan. Hindi man kayo naging masaya dito sa lupa malay mo sa kabilang mundo magiging maligaya na kayo.”

Yumuko siya.

“Sana nga.” ‘Yon lang ang sinabi niya.

Hindi pa natapos ang pag-uusap naming ng tumayo na siya. Humiga na siya sa kanyang kama. Alam kung hindi pa siya natutulog. Hindi ko na lang siya inabala pa. Mukhang kailangan niya talagang mapag-isa.

Matutulog n asana ako ng muli siyang magsalita.

“Salamat kaibigan. Hanggang sa muli nating pagkikita.” Nahihiwagaan ako sa sinabi niya. Ano ba ang gusto niyang ipahiwatig? Kinikilabutan ako.

 

Kinaumagahan ay nagising na lamang ako sa inga ng mga kasama ko sa kulungan.

“Kawawa siya.” Narinig kong sabi nila.

“Bakit ang aga?” Tanong naman ng isa.

“Inako niya raw ang kasalanan. Wala ng imbestigasyon na nangyari. Hinatulan na siya ng kamatayan..” nagitla ako sa aking narinig.

Sino ang hinatulan ng kamatayan?

Dali-dali akong bumangon. Tiningnan ko ang kama ni Clemente. Wala siya doon. Kinakabahan ako. Iba ang kutob ko. Hindi sana totoo ang hinala ko.

“Ano ang nangyari?” Tanong ko sa kasama ko.

“Si Clemente. Sinentensyahan ng kamatayan. Ngayon siya bibitayin.” Sagot naman nito.

Parang gusto kong umiyak. Parang gusto kong sumigaw. Bakit ganito ang buhay? Bakit hindi na lamang kami na may kasalanan? Bakit siya pa? bakit siya na biktima lamang ng maling akala.

Pinilit kung kausapin ang gwardya. Gusto kong makausap si Clemente. Gusto kung sabihin sa lahat ng tao na nandito na wala siyang kasalan. Nanalangin ako na sana may milagro.

Pinagbigyan ako ng gwardya. Dinala niya ako sa isang madilim at malamig na silid. Doon ko nakita si Clemente. Nakayuko.

“Bakit ka nagsinungaling sa kanila? Wala kang kasalanan!”

“Ito ang sa tingin ko ay tama. Wala na rin namang saysay ang buhay ko dito sa lupa.”

“’Wag mong sabihin ‘yan.” Hindi ko na natiis. Lumuha na ako. Kwenilyuhan ko siya. “Wala kang kasalanan!”

“Gaya ng sabi mo. Nasa langit ang totoong paghatol. Dito sa lupa ay wala ng pag-asa”

Hindi ako nakapagsalita.

Biglang pumasok ang gwardiya. Pinusasan nila si Clemente. Kinaladkad.

“Sandali.” Huminto siya at lumingon sa akin.” Isa kang mabuting kaibigan. Isa kang mabuting tao. Tama ka. Totoong may Diyos at sa pagtatapos ng araw na ito makakasama ko na siya.” Ngumiti siya sa akin.

Ngunit ako hindi ko nagawang ngumiti sa kanya. Sa halip ay humagulhol ako ng iyak. Walang masama sa pag-iyak. Walang masama na ipahayag ang emosyon. Niyakap ko siya. Ito ang huling araw na mayayakap ko siya. Ito ang huling araw na makikita ko siya.

“magkikita pa tayo kaibigan.” Sabi niya at tinapik ako sa likod.

Tumalikod na siya. Iniwan niya akong nakatayo doon. Nakatanaw lang ako sa kanyang paglayo hanggang sa nawala na siya sa paningin ko.

Paalam Clemente. Ang buhay mo dito sa lupa ay hindi naaayon sa ninais mong buhay. Alam kong sa kabilang mundo ay makikita mo ang totoong kaligayahan. Nanalangin ako sa Maykapal na sana hindi niya pababayaan ang kaibigan ko.

Alam kong bago magtapos ang araw na ito nasa mga kamay na siya ng Panginoon.

 

-End!-

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s