One Message Received

Bata pa ang umaga ng magising ako. Hinawi ko ang kurtinang nakatabing sa bintanang katabi ng aking maliit na kama. Sobrang dilim pa ng paligid. Ilang oras pa ang hihintayin ko upang masilayan ang pagsikat ng haring araw.

Mula sa may bintana ay nararamdaman ko ang malamig na ihip ng hangin. Kakaiba ang ihip niyon. Malamig kumpara nuong nakaraang araw. Tiningnan ko ang langit. Madilim. Nagbabadya na itong umulan.

Salamat naman kung ganoon. Mahigit dalawang buwan na rin ng huling nakakatikim ang lupa ng tubig. Tigang na ang mga pananim sa palayan. Nanunuyot na rin ang batis. Uhaw na uhaw na rin ang mga halaman.

Hindi ako nagkakamali. Ilang minuto ang lumipas ay bumuhos na ang malakas na ulan. Pinagmasdan ko ang pagbagsak niyon sa lupa. Pinagmasdan ko ang pagligo niyon sa mga halaman. Tiyak may pyesta sa harden ni inay ngayon. Masaya ang mga halaman niya na matagal na ring nabilad sa matinding init ng araw.

Nagising ang diwa ko ng tumunog ang aking cellphone. Kataka-takang may magpapadala ng mensahe sa ganitong kabatang umaga. Tiningnan ko ang orasan sa dingding. Alas kuwatro kwarentay sais pa lang.

Kinuha ko ang cellphone kung nasa ibabaw ng maliit ng mesang katabi ng aking kama.

1 message received

From: 09488149576

Hindi nakarehistro ang numero na nasa screen. Sino kaya itong nagtxt?

Binuksan ko ang mensahi.

Hi.

Isang “hi” mula sa unknown sender. Sa ganitong mga klase ng mensahe hindi ko na pinagaaksayahan pa ng panahon. Ang iba kasi ay hahanap lang ng mapaglilibangan dahil unli sila. May iba namang naghahanap lang ng makakausap dahil may matinding problema. Minsan naman may nambibiktima para mang good time. Pero ang mas malala may iba na naghahanap ng lalaki o babaeng mamahalin. Hopeless romantic kumbaga.

Agad kung binura ang mensahi.

Wala na akong panahon pa para sa mga ganyang bagay.

Naiisip ko si Jim. Siya ang dahilan ng maaga kung pagkagising. Nag-aalala ako sa kanya. Nag-aalala ako sa relasyon naming dalawa. Mahigit isang linggo na siyang hindi nagpaparamdam sa akin. Wala naman akong maalalang rason para iwasan niya ako. Wala rin akong maisip na panahong nag-away kami.

Si Jim ang nag-iisang lalaking pinaglaanan ko ng aking buhay. Pangalawa sa pagmamahal ko sa aking magulang ay ang pagmamahal ko sa kanya. Wala na akong ibang lalaking gustong makasama habang buhay kundi siya lamang.

Naalala ko nuon ng unang beses ko siyang nakita sa bahay ng Tiyo Delfin ko. Anak siya ng kaibigan ni Tiya Teresa na asawa ni Tiyo Delfin. Kaarawan iyon ng panganay nilang anak na si Maribel. Unang beses na nagtama ang aming paningin at pakiramdam ko’y tumigil sa pag-ikot ng mundo. Pakiramdam ko’y para kami lang dalawa sa oras na iyon.

Hindi ko lubos maisip na ganoon din ang nararamdaman niya. Mabilis ang pangyayari sa aming dalawa. Naging magkaibigan kami at kalauna’y napagpalagayan ng loob.

Mabait si Jim. Hindi siya katulad ng ibang lalaki. Hindi siya katulad ng ama kong iniwan kami dahil sumama siya sa ibang babae. Hindi siya katulad ng kasintahan ng kaibigan kong si Ann na nangiwan at sumama sa bestfriend nitong si Aemie.

Mabait si Jim. Maalaga. Walang araw na hindi siya nagpapadala ng mensahi. Ngayon lang. Ngayon lang nangyari ito. Sa mahigit tatlong taong relasyon naming dalawa ngayon lang naging madalang ang pagkikita naming dalawa.

Naalala ko noong minsang niyaya ko siyang lumabas kami. Naisip kung surpresahin siya dahil anniversary naming dalawa. Napalitan ang masayang mukha ng lungkot ng tumanggi siya. Marami raw siyang ginagawa. Kailangan raw niyang matapos ang report na pinapagawa ng boss niya. Malala pa ay nakalimutan niya na anniversary naming dalawa.

Ngunit binaliwala ko iyon. Inunawa ko siya dahil busy siya sa trabaho niya. Mabuti na lamang at malawak ang aking pasensya.

Kaninang tumunog ang cellphone ko ay may bahagi ng puso kong umaasa na sana ang mensahi ay galing sa kanya. Kahit na alam kung impossible dahil hindi naman niya gawing magpadala ng text message ng umaga. Tanghali na kasi itong gumising.

Naputol ang pag-iisip ko ng tumunog muli ang cellphone ko.

Parehong numero uli ang nagtext.

Hindi lahat ng lalaki na sa tingin mo ay mabait ay mabait talaga. Marami sa kanilang nagpapanggap lang para makuha ang gusto nila.

Good morning J

Mukhang para sa akin talaga ang mensahi. Pero baka group message lang ito. Ngunit pakiramdam ko’y natatamaan ako ng mensahi. Sino kaya itong mesteryosong sender na ito?

Napagpasyahan kong magreply. Mabuti na lamang ay may natira pang load sa cellphone ko.

Tiwala ang importanteng bagay para sa isang relasyon. Kasabay ng tiwala ay ang pagmamahal niyo sa isa’t-isa.

Cnu ka?

Naghintay ako ng reply. Hindi ko inalis ang pagkakatitig ko sa telepono. Ilang minute lang ay nagreply na siya.

May tiwala ka sa kanya. Mahal mo siya. Siya rin kaya ganoon din sayo? Gaano mo kakilala ang boyfriend mo?

Hindi niya sinagot ang tanong ko kung sino siya. Bagkos ay binalik niya sa akin ang usapan. Anong problema ng taong ito? Kilala ko kaya siya? Anong gusto niyang palabasin?

Napaisip ako. Hindi muna ako nagreply. Pilit kong inaanalisa ang mensahi niya. Pinagmasadan ko uli ang ulan.

Gaano ko nga ba kakilala si Jim?

Ang tanong ay hindi ko masagot. Kilala ko siya dahil kasintahan ko siya. Alam kong mabait siya. Maalaga. Mapagmahal. Naisip ko kulang. Hindi ko siya lubos na kilala dahil hindi ko siya kasama sa araw-araw. Hindi ako ang nagluwal sa kanya. Mas kilala siya ng magulang niya. Hindi ko siya gaanong kilala dahil wala akong alam na masasamang bagay tungkol sa pagkatao niya. Ang alam ko lang mabait at mahusay siya sa lahat ng bagay.

Posible nga kayang kulang iyong kaalamang iyon na nakikita ko sa boyfriend ko? May dapat nga ba talaga akong malaman tungkol sa kanya?

Anong alam mo sa akin? Sino ka? May alam ka ba sa boyfriend ko?

Matagal bago siya nagreply.

Marami.

Nakakabahala ang sagot niya.

Marami.

Marami siyang alam tungkol sa boyfriend ko. Bakit? Sino ba siya? Nagumpisa na akong kabahan. Huwag naman sanang magkatotoo ang iniisip ko.

Marami akong alam tungkol sa kanya. Mag-iingat ka. Wag kang mag-alala tutulungan kita.

Mag-iingat? Para sa saan?

Walang dahilan para mag-ingat ako sa boyfriend ko. Gaya ng sabi ko mahal niya ako at may tiwala ako sa kanya.

Naiinis ako. Naiinis ako sa taong ito. Wala siyang karapatang manghimasok sa buhay ko. Ang pamilya ko nga hindi nakiiaalam siya pa kayang hindi ko kilala.

Walang rason para maniwala ako sa kanya. Gino-good time lang ako.

1pm. La Vista Hotel.4th floor Room 446.

Anong ibig niyang sabihin?

Kinakabahan ako. Alam kong maling magtiwala agad ako sa isang taong hindi ko kilala. Hindi. Hindi ako pupunta sa lugar na sinasabi niya.

Hindi na ako nagreply pa.

Kung gusto mo ng sagot sa tanong mo. Pumunta ka.

Pupunta ba talaga ako? Pag-iisipan ko.

Hindi ko alam kung ano ang magiging desisyon ko. Humiga uli ako sa kama. Alas singko na. Kahit madilim ang paligid dahil sa makapal na ulap at malakas na buhos ng ulan ay nakikita ko na ang manipis na sinag ng araw.

Nadala ako sa panahon. Matamlay gaya ng umagang ito. Parang gisto kong bumalik uli sa aking pagkakatulog. Ayaw kong mag-isip. Ayaw kong isipin ang possibleng mangyari mamaya kapag napagdesisyunan kung pumunta.

Pinilit kung pumikit muli at bumalik sa aking pagkakatulog ngunit masyadong ng maraming bagay na pumapasok sa isipan ko. Hindi na ako natatablan ng antok at katamlayan ng paligid.

Wala akong magawa. Ang mata ko’y nakatanaw lang sa kisame. Tahimik pa ang paligid. Tanging patak lang ng ulan sa bubungan ang naririnig ko. Matagal bago ako makarinig ng mga tunog ng tao at sasakyan dahil malamig ang paligid at tiyak matagal bago nila lilisanin ang higaan.

Bumalik uli sa isipan ko ang mensahe. Bumalik uli sa isipan ko si Jim.

Nagtataka ako nitong mga nakaraang araw na parang malamig ang pakikitungo niya sa akin. Kapag kasama ko siya ay wala naman siya sa sarili. Tila ba aligaga at hindi mapakali. Pakiramdam ko may nais siyang sabihin na hindi niya masabi sabi sa akin.

Pinilit kong huwag bigyan ng malisya ang hindi na nya pagsundo sa akin sa opisina at ang maaga naming pag-uwi tuwing kami ay magkikita. Pinilit ko rin siyang intindihin ng minsang niyaya ko siyang manood ng sine na tinanggihan niya dahil wala raw siya sa mood na manuod.

Hindi na siya si Jim na minahal ko nuon. May nag-iba sa kanya. Pero minsan naman bumabalik siya sa dating siya. Nagpapadala siya ng bulaklak sa opisina. Minsan burger dahil alam nyang paborito ko iyon. Ngunit madalang na. Hindi na katulad nuon.

Kahit na ganito ang mga nangyayari ay wala pa rin akong karapatang husgahan siya. Hindi ko pa alam ang totoong nangyari. Hindi ko pa alam ang dahilan ng biglaan nyang panlalamig sa relasyon naming dalawa.

Naalala ko nuong nakaraang linggo ng nabanggit ko sa kanya ang kasal. Sa idad na Biente sais ay gusto ko na ring magkaroon ng sarili kong pamilya.

Matagal ko na rin gustong itanong kay Jim ang tungkol sa bagay na iyan ngunit ang nais ko sa kanya mismo manggaling dahil lalaki siya. May pride at delikadesa rin naman ako.

Pero naisip ko na kung maghihintay pa ako sa kanya ay baka lumampas pa ng kalendaryo ang idad ko’y hindi siya magyayaya sa aking magpakasal. Kaya naman tinanong ko siya.

Hindi ko inaasahan ang magiging sagot niya.

“Hindi pa ako handa sa ganyang bagay”

Ibig sabihin ay wala pa siyang balak na pakasalan ako. Nanlumo ako.

“Ngunit nasa tamang idad na tayo.”

“Darating din tayo diyan. Sa ngayon wala pa akong balak na magpakasal.”

Masakit ang salitang iyon mula sa kanya ngunit pinilit ko pa ring maging mahinahon at unawain siya.

May nag-iba nga sa kanya.

Ano kaya ang dahilan?

Tama nga kayang pumunta ako sa lugar na sinasabi ng nag katext ko kanina?

Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako. Sa sobrang lalim na iniisip ko ay nahulog na ako sa mundo ng kawalan.

Nagising ako dahil sa tunog ng mga sasakyan at mga ingay ng mga batang naglalaro sa may tapat ng bahay namin.

Tiningnan ko ang orasan. Alas nwebe y medya na pala. Pinagmasdan ko ang paligid. Tumila na ang ulan ngunit makapal pa rin ang ulap. Nagbabadya pa ring umiiyak ang langit.

Matamlay ang paligid. Madilim. Malamig. Gaya ng nararamdaman ko ngayon. Tiningnan ko ang cellphone ko. Wala pa ring mensahi galing kay Jim. Ilang beses na ako ng text sa kanya ngunit hindi siya nagrereply. Nagtangka rin akong tawagan siya ngunit uninit lamang ang cellphone ko sa tenga sa ilang ulit na pagdadial ay hindi pa rin niya sinasagot ang tawag ko.

Wala ring mensahi galing kay “unknown sender”.

Kailangan kong malaman ang dahilan. Pupunta ako sa lugar na sinasabi niya.

Ala una.

Nasa tapat na ako ng La Vista Hotel. Hindi ko mawari pero kinakabahan ako. Pakiramdam ko ay may hindi magandang mangyayari. Malakas ang tibok ng puso ko. Mas lalong lumalakas habang binabaybay ko ang daan patungo sa kwartong may nakasulat na numerong 446.

Nasa tapat na ako ng kwarto. Huminga ako ng malalim bago kumatok. Ang mga kamay kung nakakuyom dahil sa nanlalamig ako ay nakasuot sa bulsa ng suot kung hoodie jacket. Suot ko ngayon ang bigay ni Jim nuong kaarawan ko.

Matagal bago bumukas ang pintuan.

Isang babae ang nagbukas. Mukhang kagigising lang niya. Maganda siya. Maputi. Sakto ang pangangatawan. Nasa kanya ang pisikal na katangian ng isang babaeng iibigin ng mga lalaki. Naka-roba lamang sya. Mukhang nagmamadali pa atang isuot iyon dahil sa hindi naayos ang pagkakatali.

Medyo wala sa huwisyo ang buhok niya. Kagigising niya nga lang.

Bakit may naramdaman akong galit sa kanya? Hindi ko siya kilala. Tama nga ako gino-good time lang ako ng katext ko kanina.

“Anong kailangan mo? Sino ka?” Tanong niya.

Anong isasagot ko? Mukhang naabala ko pa ata siya.

“Ah..Ano kasi…pasensya na. Nagkamali lang ako ng kwartong pupuntahan”

Hindi siya sumagot. Bagkos ay nagsimula na siyang isara ang pinto ngunit bago pa mangyari iyon ay may nagsalita sa kanyang likuran.

“Hon, sino ‘yan?”

Kilala ko ang boses na iyon. Bakit nga ba ako magkakamali? Ang may-ari ng boses na iyon ay ang lalaking aking iniibig. Iniluwa ng pinto ang boyfriend kong si Jim.

Nagulat siya pero mas nagulat ako.

Anong ibig sabihin nito? Anong ginagawa nila ng babaeng ‘yan? Bakit sila nandito? Bakit “hon” ang tawag niya? Bakit niya ito ginagawa sa akin?

Nagtatanong ang mga matang tumingin ako kay Jim.

Wala akong makapa na salita. Tila naumid ang aking dila. Walang akong mahanap na tamang salitang ibibigkas. Masaki tang loob ko. Mabigat.

“I’m sorry…”tanging sabi niya.

Nagsimula ng mamuo ang luha sa mga mata ko pero nilabanan ko iyon. Ayaw kong umiyak. Ayaw kong makita niya at ng kanyang babae na iniiyakan ko siya. Hindi ako mahina gaya ng akala niya.

Pinatigas ko ang aking sarili. Pilit kong nilalabanan ang sakit.

“Kailan pa?” tanong ko.

“Matagal na. Isang taon.” Sagot niya.

Isang taon? For God’s sake, isang taon na niya akong niloloko? At hinintay pa talaga niyang ako ang makadiskubre ng lahat ng kahayupang ginagawa niya. Sa loob ng isang taon hindi man lang niya ako hinanda sa ganitong bagay.

Sana sinabi niya ng mas maaga dahil mas maiintindihan ko pa. Ayaw ko ng ganito. Naiinis ako. Naiinis ako sa sarili ko dahil nagpakatanga ako. Naiinis ako dahil sa sobrang pagmamahal ko sa kanya ay naging bulag ako.

“Hindi ko alam kung ano ang itatawag ko sa’yo. Kulang ang salitang hayup at manloloko para sa’yo. Maging masaya ka sana. Ikaw at ng babae mo! Huwag kang mag-alala hindi kita paglalamayan dahil masaya ako. Masaya ako dahil hindi na ako nakatali sa demonyo!”

Matigas at may pinaghuhuguan ang salitang iyon. Hindi ko na hinintay ang sagot niya at tumalikod na ako. Ano pa ba ang gusto kong marinig mula sa kanya. As usual hihingi siya ng tawad. Pagpasensyahan niya dahil mahihirapan akong ibigay iyon sa kanya.

Tumakbo ako palabas ng La Vista. Sa may bakanteng upuan na konkreto ako umupo. Kailangan kong umupo dahil nanghihina ang mga tuhod ko. Kailangan ko ng makakapitan dahil alam kong ilang sandali na lamang ay babagsak na ako. Masyado ng Malabo ang aking paninin dahil sa nangingilid na luha sa mga mata ko. Hindi ko na kayang pigilan ang luha ko kaya binuhos ko na. Umiyak ako. Sumigaw sa abot ng aking makakaya. Kailangan kong ilabas lahat ng sakit na nararamdaman ko ngayon. Kailangan kong patayin ang apoy na namumuo sa puso ko. Kailangan kong ibuhos lahat ng aking sama ng loob.

Kailangan ko ng makakapitan.

Kasabay ng aking pag-iisa at paghihinagpis ay bigla na lamang bumuhos ang malakas na ulan. Hinayaan ko ang sarili kong mabasa. Mas mainam iyon para tuluyan ng hawiin ang luha ng ulan.

Ilang sandali ay bigla na lamang uminit. Wala ng patak ng ulan na pumatak sa katawan ko. Tinaas ko ang aking paningin at nakita ko si Mama. Dala-dala ang payong na tumabon sa akin para hindi ako mabasa ng ulan.

Anong ginagawa ni mama dito?

Nagtatanong ang mga mata kong tumingin sa kanya.

“Hindi lahat ng lalaki na sa tingin mo ay mabait ay mabait talaga. Marami sa kanilang nagpapanggap lang para makuha ang gusto nila.” Sabi niya.

Nagulat ako. Ang salitang iyon. Saktong sakto sa sinabi ng unknown sender na nagtext sa akin.

Si mama ba? Siya ba ang taong iyon?

“Ako nga iyon, anak. Binubuksan ko lang ang mga mata mo sa mga maling bagay. Kailangan mong makita kung anong klaseng mundo ang ginagalawan mo. “

Tumayo ako at niyakap siya.

Alam ni mama na niloloko ako ni Jim.  Alam niya ang tama sa mali. Alam niya dahil minsan rin siyang naligaw ng landas. Naluko at nasawalang-bahala.

“Isa lang siya. Hindi siya kawalan sa’yo. Marami kami. Marami kaming nagmamahal sa’yo”

Oh mama ko! Sa lahat ng pagkakataon sa buhay ko siya ay laging nandiyan. Ang tanging buhay at sandalan ko. Ang tanging kaagapay ko sa buhay na kailanman ay hinding-hindi ako iiwan.

Sana sa susunod na mga araw ay maghilum na ang sakit at sana sa susunod na mga araw ay magawa ko ng magpatawad.

Mahirap pero sa tulong ng mga taong mahal ako. Alam kong kakayanin ko. Malayo ito sa bituka. Hindi ako papatayin ng sakit na ito.

—-END—

Leave a comment