Paalam

Kanina pa ako katok ng katok sa kwarto niya ngunit hindi niya ako pinagbuksan. Masakit sa loob kong hindi niya ako magawang patawarin. Pinagdikit ko ang tenga ko sa pintuan ng kanyang kwarto ngunit tanging paghikbi lamang niya ang aking narinig. Nasasaktan ako sa tuwing naririnig siyang umiiyak. Nasasaktan ako sa tuwing makikita siyang nasasaktan kaya nagkamali akong ginawa ko iyon. Isa lamang iyong pagkakamali.

Ilang beses kong tinawag ang pangalan niya para lamang pagbuksan nya ako’t mag-usap kami ng maayos ngunit tila naubusan na ako ng boses ay nanatili pa ring nakasarado ang pintuan ng kanyang kwarto.

Ilang minuto ang lumipas ay napagpasyahan kong umalis muna. Nasa may labas na ako ng bahay nila ng nakita ko ang nanay niya. Hindi niya ako pinansin o marahil hindi niya lang ako nakita dahil nasa likod ako ng punong manggang nakatirik gilid ng kanilang malaking gate.

Susunod sana ako sa kanya para makausap siya at para humingi na rin ng tawad sa ginawa ko sa kanyang anak. Ngunit ilang minuto lamang ay nakita ko ang babaeng mahal ko na naglalakad palabas ng bahay. Nakaalalay sa kanya ang kanyang inay. Umiiyak pa rin siya.

Gusto ko siyang lapitan ngunit natatakot ako na baka ipagtabuyan niya lang ako palayo. Hindi ko sinasadyang saktan siya. Ang ginawa kong pag-alis ay para sa aming dalawa. Gusto kong sabihin sa kanyang hindi naman ako magtatagal doon sa Maynila. Mag-aaral ako ng mabuti ng sa gayon ay mabigyan ko siya ng magandang buhay sa hinaharap. Kasali siya sa mga pangarap ko. Siya lang ang tanging babaeng pinapangarap kong maiharap sa altar sa kahit saan mang simbahan sa mundo.

Mali ba ang naging desisyon kong iwanan siya pansamantala? Kaya naman ako narito ngayon para bawiin na lamang ang naging desisyon ko. Hindi na ako aalis sa tabi niya. Kung aalis man ako kasama na siya at sabay naming bubuoin ang aming mga pangarap.

Sinundan ko sila. Masakit makitang umiiyak ang babaeng pinakamamahal ko. Nakita kong hawak-hawak niya ang larawan ko. Suot-suot din niya ang jacket na binigay ko noong first anniversary naming dalawa. Masaya akong makitang pinahahalagahan niya ang mga bagay na binigay ko sa kanya. Ibig lang sabihin niyon ay pinahahalagahan niya rin ako bilang kasintahan  niya.

Tinawag ko ang pangalan niya. Ngunit hindi siya lumingon maging ang nanay niya ay hindi rin ako nilingon. Pinapatahan niya ang anak na kanina pa humihikbi.

Gusto kong pahintuin ang drayber ng traysikel para makausap siya. Ako na mismo ang mag-aalis ng sakit na nararamdaman niya ngayon. Sasabihin ko sa kanyang hindi na ako aalis. Na hindi ko na siya iiwan.

Wala akong magagawa kundi sundan siya. Hanggang sa nakita ko na lamang ang sarili kong nasa tapat ng bahay namin. Dito rin huminto ang traysikel na sinasakyan nila.

Anong ginagawa niya rito? Nais ba niya akong makausap? Bakit kasama niya pa ang nanay niya? Kailangan niya ng moral support? Natawa ako sa naisip ko pero nagtataka ako kong bakit sila narito. Nakabukas ang malaking gate namin.

Ang dating tahimik naming bahay ay napuno ng tao.

Bakit ang daming tao? Wala akong maalalang may selebrasyon ngayon dito sa bahay. Tila reunion ng pamilya namin sapagkat andito sina lolo at lola, si tiya Lorna ang Tiyo Berteng, mga pinsan ko, mga maging malalayong kamag-anak ko narito rin. Nakikita ko rin ang mga kaklase ko nuong elementary at highschool. Pati mga kaklase at kaibigan niya narito rin. Sa dami ng mga tao ngayon na narito ay ni isa sa kanila walang bumati sa akin.

Ni hindi nila ako makita. Ni hindi nila ako tinapunan ng anumang sulyap. May nagawa ba akong kinasasakit nila at gayon na lamang ang hindi nila pagpansin sa akin? Nakaramdam ako ng sakit sa dibdib. Tila binaliwala ako ng lahat ng tao.

Nilibot ko ang aking paningin. Hinahanap ko siya. At nakita ko siya sa gitna ng nagkukumpulang tao. Kausap niya rin si mommy. Nakita ko kung paano siya umiyak sa harap ng aking mga magulang. Niyakap siya ng aking ina at tila pinatahan.

Bakit ba hindi siya tumatahan?

Lalapit na sana ako sa kanya ngunit lumakad naman sila papasok ng bahay. Kasabay niya ang nanay niya, si mommy at si daddy, pati na rin si bunso. Nakikita ko rin ang namamaga nilang mga mata. Tila ba galing silang lahat sa pag-iyak.

Akala ko ba isa itong pagtitipon ngunit wala ni isa sa mga tao dito na may ngiting nakapaskil sa kanilang mga labi. Lahat sila nakikitaan ko ng kalungkutan sa mga mata. Bigla na lamang akong kinabahan.

Ano ba ang nangyayari? Bakit wala akong alam?

Pumasok na rin ako sa bahay. Kung sa labas ay maraming tao mas maraming tao dito sa loob. Lahat sila umiiyak rin. Ang daming bulaklak. Maganda sana kung hindi bulaklak sa patay ang narito ngunit lahat ng nakikita ko lahat ay bulaklak sa patay. Sinundan ko siya ng tingin. Diridiritso ang mga hakbang niya hanggang sa makarating siya sa may gitna ng sala. Hindi ko inalis ang tingin sa kanya at bigla na lamang sumakit ang dibdib ko sa nakita.

Isang kabaong ang nakaratay sa gitna.

Kinakabahan ako.

Malakas ang tibok ng aking puso.

Bumibigat ang mga hakbang ko papunta sa kanya. Sino ang namatay? Alam kong isa iyong myembro ng aking pamilya. Pero sino? Narito kaming lahat. Kumpleto. Wala namang nawala.

Bawat hakbang ko ay napakahirap. Lalong bumibigat ang aking dibdib. Wala akong nalalaman sa mga nangyayari.

Hanggang sa makarating ako sa gitna.

Unti-unti akong tumabi sa kanya ngunit hindi man lang niya ako pinansin o nilingon man lang. Nasasaktan ako sa ginagawa niya.

Tiningnan ko ang larawan kong yakap-yakap niya. Lalong lumakas ang kanyang paghikbi. Gusto ko siyang patahanin. Gusto ko siyang yakapin ngunit napakabigat ng aking mga kamay. Hindi ko magawang kumilos para hawakan siya.

Anong nangyayari sa akin?

Unti-unti kong binaba ang aking paningin upang tingnan ang taong nasa loob ng kabaong. Hanggang sa…napaatras ako sa aking nakita. Napatakip ako sa aking bibig. Bigla na lamang nagsilabasan ang luha sa aking mga mata.

Hindi maaari.

Ang taong nasa loob ng kabaong ay AKO.

Nilibot ko ang aking paningin. Kaya pala silang lahat ay narito. Kaya pala sila umiiyak. Kaya pala hindi nila ako pinapansin dahil hindi nila ako nakikita. Kaya pala hindi niya magawang lumingon sa akin o makinig sa bawat pagsambit ko sa pangalan niya. Kaya pala…dahil PATAY na pala ako.

Nakita kong lumapit si mommy sa kanya.

“I’m sorry , tita. Alam kong kasalanan ko ang lahat ng nangyari sa kanya. Kung sana lang hindi ako nagmatigas. Kung sana lang nagtiwala ako sa kanya. Kung sana lang hindi ako nagmatigas sa kanya hindi sana siya hahantong sa ganito.” Umiiyak na sabi niya.

Parang time machine na nagflash back sa akin ang mga nangyari.

Nasa park kami.

Seryoso kong tinititigan ang kanyang mga maya. Mahigpit ang kapit ko sa kanyang mga kamay.

“Bukas ay aalis na ako papuntang Maynila. Doon na ako mag-aaral pero hindi ibig sabihin na iiwan na kita na hihiwalayan kita. Sana maintindihan mo ako.”

Naririnig ko ang mumunting niyang paghikbi. Nakikita ko ang pagyugyog ng kanyang balikat.

“Hindi mo ako iiwan? Pero sa gagawin mo ay iiwanan mo ako. Sana sabihin mo na lang sa akin na hindi mo ako mahal kaya ka lalayo at hihiwalayan ako!” Unti-unti niyang tinanggal ang kanyang mga kamay mula sa paghawak ko.

“Mali ka ng iniisip. Mahal kita kaya ko gagawin ito. Para ito sa ating dalawa.”

“Para sa atin o para sa’yo at sa pangarap mo?”

“Parte ka ng mga pangarap ko, hon.”

“Hindi mo ako mahal dahil kong mahal mo ako hindi mo ako iiwan.” Iyon lang at tumakbo na siya palayo sa akin. Ayaw kong sa ganitong paraan kami maghihiwalay kaya naman tumakbo ako upang habulin siya upang ipaliwanag sa kanya ng mabuti na mali ang iniisip niya.

Sinundan ko siya hanggang sa hindi ko namalayang sa pagtawid ko sa daan na iyon ay may isang sasakyan pa lang paparating. Huli na ng mapagtanto kong malapit na ito sa akin. At ilang sigundo lamang naramdaman ko na lang ang unti-unti kong pagbagsak sa malamig na sementong iyon ng daan. Nararamdaman ko ang mainit na pulang likido sa aking ulo, sa aking katawan. Nakikita ko ang maraming taong dumarating at pumaligid sa amin.

Hanggang sa kalagitnaan ng mga tao ay nakita ko siya. Lumuhod siya sa akin, umiiyak. May sinasabi siya ngunit hindi ko marinig. Unti-unting nanglalabo ang aking paningin hanggang sa nabalot na ako ng dilim.

Wala na nga talaga ako.

Lumapit ako sa kanya. Niyakap ko siya. Kahit na tumatagos lang ako sa katawan niya’y sana maramdaman niya na narito lamang ako sa tabi niya. Kahit wala na ako hinding-hindi ko pa rin siya iiwan. Hihintayin ko siya sa kabilang buhay at duon naming dudugtungan ang naudlot naming pag-iibigan.#

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s